Mahigit 500 bagong corrections officers ng BuCor, nanumpa
Kabuuang 533 bagong hired na corrections officers ng Bureau of Corrections (BuCor) ang nanumpa na sa puwesto.
Pinangasiwaan ni BuCor Acting Director General Gregorio Catapang Jr. ang maramihang panunumpa ng bagong Corrections Officers 1
Karamihan sa mga nanumpa ay mga babae na 329 habang ang lalake ay 204.
Ang bagong BuCor officers ay binubuo ng mga professional.
Mahigit 300 sa mga ito ay criminologists habang nasa 100 ang mga lisensyadong guro.
Mayroon din na 37 na CSC professionals at 10 registered nurses.
Ang ilan din sa nanumpa ay agriculturists, civil engineers, custom broker, electrical engineer, forester, medical technologists, penology officer, pharmacists, psychometrician, radiologic technologists, nutritionists and dietitians, registered social workers, respiratory therapist, at theologist.
Ayon kay BuCor Spokesperson Sonny Del Rosario, sasailalim pa sa anim na buwan na academic at physical training ang mga bagong CO1.
Pero sila ay tatanggap na ng sahod na P29,000 at allowances na nasa P7,000 habang nagsasanay.
Itatalaga ang bagong BuCor officers sa iba’t ibang penal colonies ng kawanihan kung saan 289 ay sa New Bilibid Prisons.
Ilalagay naman ang 119 sa Davao Prison and Penal Farm; 26 sa Iwahig Prison and Penal Farm; 22 sa Leyte Regional Prison; 35 sa Sablayan Prison and Penal Farm; at 42 sa San Ramon Prison and Penal Farm.
Sinabi ni Del Rosario na malaking ang kakulangan ng BuCor sa corrections at technical officers.
Magdidepende aniya ang bilang na iha-hire ng BuCor na mga tauhan sa loob ng isang taon sa pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM).
May nauna nang 500 bagong CO na nanumpa at kasalukuyang sumasailalim sa training.
Hinimok naman ni Catapang ang panibagong batch ng CO1 na pagbutihin ang kanilang training para makatuwang sa reporma na ipinapatupad sa kawanihan.
Umaasa ang opisyal na bago magtapos ang mga CO sa kanilang pagsasanay ay mabakunahan ang mga ito ng “anti- corruption vaccine.”
Moira Encina