Mahigit 500 katao inilikas dahil sa baha sa Ecuador
Sinabi ni Pangulong Guillermo Lasso, na mahigit 500 katao ang inilikas mula sa kanilang mga tahanan sa hilagang Ecuador nitong Linggo, kasunod ng pagbaha dulot ng malakas na pag-ulan. Wala naman aniyang napaulat na nasawi o nawawala.
Batay sa mga larawang ipinalabas ng Ministry of Defense, dose-dosenang mga residente ang umakyat sa mga bubong o balkonahe ng kanilang mga tahanan upang iligtas ang kanilang sarili sa pagtaas ng tubig.
Sa kaniyang Twitter post ay sinabi ni Lasso, “Rain had fallen for 12 hours without interruption, causing six rivers to overflow. The priority is to save their lives, let’s protect them! We have already rescued 500 people and the work continues.”
Ayon sa Risk Management Secretariat, humigt-kumulang 500 katao ang inilikas ng mga awtoridad sa pamamagitan ng bangka, at 30 iba pa sa pamamagitan naman ng helicopter.
Halos 11,750 katao ang naapektuhan ng mga pagbaha at 16 ang nawalan ng tahanan sa lalawigan ng Esmeraldas, sa hangganan nito sa Colombia.
Sinuspinde ang mga klase sa ilang mga bayan dahil sa pagkasira ng mga paaralan.
Limang health centers din ang naapektuhan.
Sa pagitan ng Enero at Mayo, 36 katao na ang nasawi at higit sa 99,000 ang naapektuhan sa buong Ecuador.
Noong Marso, dose-dosenang mga bahay ang natabunan na ikinasawi ng humigit-kumulang 60 katao dahil sa isang landslide na dulot ng malalakas na mga pag-ulan sa bayan ng Andean sa Alausi.
Tinatangka pa rin ng rescuers na marekober ang bangkay ng 13 kataong nawala sa naturang sakuna.