Mahigit 500,000 metriko tonelada ng imported na bigas nakatakdang dumating ngayong Disyembre hanggang Pebrero
Humigit-kumulang 76,000 metric tons ng bigas mula Taiwan at India, ang nakatakdang dumating sa Pilipinas ngayong buwan at sa unang bahagi ng Enero, habang ang mga inangkat naman ng private sector ay nagsimula nang dumating bilang bahagi ng pagsisikap na maragdagan ang stock ng bigas bilang paghahanda sa magiging epekto ng El Nino weather phenomenon.
Sinabi ni Department of Agriculture (DA) Undersecretary Roger Navarro, officer-in-charge for operations, na halos kalahting milyong metriko tonelada ng bigas na inangkat ng pribadong sektor ang darating sa pagitan ng Disyembre at unang bahagi ng Pebrero, bilang pagsunod sa kasunduan sa pagitan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., at ng mga may hawak ng rice import permits.
Ayon kay Navarro, “We received reports that around 100,000 tons of imported rice has already arrived in the country. This is part of the 495,000 metric tons committed by import permit holders to Secretary Tiu Laurel.”
Bukod dito aniya, may kabuuang 20,000 bags na katumbas ng 1,000 metriko tonelada ng bigas ang idineliver bago mag-Disyembre 25, na siyang unang batch ng 40,000 bags ng bigas na donasyon ng Taiwan.
Ngayong huling linggo ng Disyembre at sa unang bahagi ng Enero, sinabi ni Navarro na 75,000 metric tons ng bigas ang darating galing India.
Ipinagbawal ng India ang pag-e-export ng non-basmati white rice noong Hulyo upang mapatatag ang domestic supply at mga presyo. Subalit noong Oktubre, ay inaprubahan ng India ang pag-export ng higit sa isang milyong metriko tonelada sa pitong mga bansa, kung saan ang Pilipinas ay makakukuha ng higit sa 28 porsiyento ng export allocation.
Ayon kay Navarro, “The 75,000 metric tons due in the coming weeks is part of the 295,000 metric tons of rice India has allocated to the Philippines.”
Sa pagdating ng imported rice at sa dami ng inani ng mga magsasaka nitong nakalipas na mga buwan, sinabi ni Navarro na ang bansa ay mayroon nang sapat na suplay hanggang sa susunod na anihan na magsisimula sa Marso.
Ang pagkonsumo ng bansa sa bigas ay humigit-kumulang 36,000 metriko tonelada bawat araw, o humigit-kumulang 1.08 milyong tonelada bawat buwan.
Mahigpit na binabantayan ng economic managers, laluna ng Bangko Sentral ng Pilipinas, ang sitwasyon ng suplay ng bigas dahil sa epekto nito sa implasyon.
Agresibong itinaas ng BSP ang mga rate ng interes mula noong nakaraang taon upang mapababa ang inflation, na nakaaapekto sa kakayahan ng mga mamimili na bumili at nagpapahina sa paglago ng ekonomiya.