Mahigit 60 katao namatay matapos barilin sa tribal dispute sa Papua New Guinea
Animnapu’t apat na duguang mga katawan ang natagpuan sa kahabaan ng isang kalada sa remote highlands ng Papua New Guinea.
Ang mga biktima ay pinaniniwalaang tribal fighters na tinambangan ng kalabang grupo.
Nangyari ang insidente malapit sa bayan ng Wabag, nasa 600 kilometro o 370 milya sa hilagang-kanluran ng Port Moresby, kapitolyo ng bansa.
Ilang taon nang may nagaganap na mass killings sa nabanggit na lugar, bunsod ng alitan sa pagitan ng magkakaribal na Sikin, Ambulin, Kaekin at iba pang tribesmen.
Sinabi ng pulisya na nagpapatuloy ang gunfights sa kalapit na mga lugar at patuloy silang nakakarekober ng mga katawan mula sa bushland malapit sa kalsada.
Sinabi ni police assistant commissioner Samson Kua, “We believe there are still some bodies… out there in the bush.”
Ilang siglo nang naglalabanan ang mga angkan sa highlands ng Papua New Guinea, at lalo pang naging matindi ang mga karahasan at paraan ng pagpatay dahil sa pagdagsa ng automatic weapons at mercenaries.
Ayon kay Kua, ang gunmen ay gumagamit ng SLR, AK-47, M4, AR15 at M16 rifles, maging ng pump-action shotguns at home-made firearms.
Ayon naman sa acting police commander ng lalawigan na si Patrick Peka, marami sa mga patay ay pinaniniwalaang mercenaries, mga lalaking gumagala sa countryside at nag-aalok ng tulong sa mga tribo sa kanilang pakikipaglaban sa kanilang mga karibal.
Aniya, “The police and government cannot do much when leaders and educated elites supply arms, ammunitions and engage the services of gunmen from other parts of the province.”
Tinangka na ng gobyerno ng Papua New Guinea na gumamit ng suppression, mediation, gun amnesties at maraming iba pang mga estratehiya subalit hindi iyon lubos na naging matagumpay.
Nagdeploy ang militar ng nasa 100 troops sa lugar, ngunit limitado ang kanilang impact at ang security services naman ay namamalaging ‘outnumbered’ at ‘outgunned.’
Ang mga pagpatay ay kadalasang nangyayari sa mga liblib na komunidad, kung saan ang mga attacker ay naglulunsad ng mga raid o pananambang bilang ganti sa mga naunang pag-atake.
Sa mga nakalipas, ang mga sibilyan na kinabibilangan ng mga buntis at mga bata ay naging target din.
Sa pribadong paraan naman ay nagrereklamo ang mga pulis na wala silang resources upang gawin ang kanilang trabaho, at dahil kulang ang kanilang suweldo kaya’t ang ilan sa mga armas na napapasakamay ng mga attacker ay galing mismo sa puwersa ng pulisya.
Nanawagan naman ang mga kontra sa gobyerno ni Prime Minister James Marape, ng dagdag na deployment ng pulisya at pagbuibitiw ng komisyuner ng pulisya.
Ang populasyon ng Papua New Guinea ay higit na dumoble simula noong 1980, sanhi upang lumubha ang kakulangan ng lupaing matitirhan at mapagkukunan ng pagkain na nagpalalim sa hidwaan ng mga tribu.
Sinabi ni Australian Prime Minister Anthony Albanese, “The incident is ‘very disturbing.’ We are providing considerable support, particularly for training police officers and for security in Papua New Guinea. We remain available to provide whatever support we can.”