Mahigit 600 bagong kaso ng Delta variant, natukoy sa bansa
May karagdagan pang 640 bagong kaso ng Delta variant ng Covid-19 ang natukoy sa bansa.
Sa datos mula sa Department of Health (DOH), batay sa ginawang sequencing ng Philippine Genome Center, ang 584 rito ay local cases, 52 ang Returning Overseas Filipinos habang bineberipika naman ang 4 kung sila ay local cases o ROF.
Sa 584 local cases na ito, 112 ang mula sa National Capital Region, 53 sa Cagayan Valley, 49 sa CALABARZON, at 2 naman na mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa ngayon, 3 na lang sa kanila ang aktibong kaso pa, nasawi naman ang 13 habang nakarekober na ang 624.
Sa kabuuan, umabot na sa 2,708 ang kaso ng Delta variant sa bansa.
May 24 bagong kaso rin ng Alpha variant ang natukoy ng PGC.Ang 23 rito ay local cases habang ROF ang isa.
Nakarekober naman na ang 23 sa kanila, pero nasawi ang isa.Sa kabuuan umabot na sa 2,448 ang mga naitalang kaso ng Alpha variant sa bansa.
May 28 bagong Beta variant cases rin ang naitala sa bansa, pero lahat sila ayon sa DOH ay nakarekober na.
Sa kabuuan, umabot na sa 2,725 ang naitalang kaso ng Beta variant sa bansa.May 5 bagong kaso rin ng P.3 variant ang natukoy ng PGC, lahat sila ay local cases at mga nakarekober na.
Samantala, ayon sa DOH, magbabawas na ng COVID-19 RT-PCR testing services ang PGC.
Ito ay upang mas mailaan ang kanilang resources sa pagtukoy ng mga variant ng Covid-19 na nakapasok sa bansa sa pamamagitan ng genome sequencing.
Statement DOH:
“The UP-PGC also announced that starting September 9 they will be scaling down their to shift their resources on the detection of COVID-19 variants through whole genome sequencing. The shift will lead to an expected increase in the sequencing capacity and detection of COVID-19 variant cases in the country in the succeeding months.”
Sa gitna naman ng patuloy na pagdami ng mga kaso ng iba’t ibang variants ng COVID-19 sa bansa, patuloy ang apila ng DOH sa publiko na sumunod sa minimum public health standards at magpabakuna na kung may pagkakataon.
Madz Moratillo