P7.5-B kasunduan, nilagdaan ng US at NEDA para protektahan ang kalikasan
Lumagda ang National Economic Development Authority (NEDA) at Estados Unidos sa limang taon na bilateral assistance agreement na nagkakahalaga ng P7.5 Bilyon para protektahan ang kapaligiran at kalikasan ng Pilipinas.
Ayon sa US Embassy, sa pamamagitan ng bagong kasunduan ay makikipag-partner ang USAID sa National, Provincial, at Local Governments para ipatupad ang mga proyekto na naglalayong mapataas ang access sa clean energy at tubig, mapagbuti ang natural resource management, at protektahan ang landscapes, wildlife at fisheries ng Pilipinas.
Makikipagtulungan din ang US sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Energy (DOE) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa ilalim ng kasunduan.
Sinabi ng USAID na ang mga nasabing programa at proyekto ay suporta sa iisang mithiin ng dalawang bansa na mapreserba ang mga kilalang likas na yaman ng Pilipinas at matiyak na makapagbigay ng sustainable na ikinabubuhay at trabaho sa mga Pilipino.
Ang nasabing bilateral agreement ay isa lamang sa apat na bagong 5-year USAID-Government of Philippines Development Assistance Agreements na tinatayang nagkakahalaga ng kabuuang P32.7 Bilyon sa susunod na limang taon.
Moira Encina