Mahigit 7,000 doses ng COVID 19 Vaccines, natanggap na ng Manila LGU
Natanggap na ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila ang 7,020 doses ng COVID 19 vaccine ng Pfizer mula sa national government.
Ang Pfizer vaccines ay personal na tinanggap ni Sta Ana Hospital Director Dr. Grace Padilla at agad dinala sa cold storage facility sa nasabing pagamutan.
Ang Maynila ay isa sa mga nabigyan ng Pfizer vaccines dahil mayroon silang ultra low freezers na kailangan ng bakuna.
Target naman ng Manila LGU na masimulan bukas ang paggamit sa Pfizer vaccines sa kanilang vaccination program.
Ayon sa Department of Health, ang mga binigyan lang muna nila ng Pfizer vaccines ay mga LGU na may kakayahan na magstore ng bakuna na ito.
193,050 doses ng Pfizer vaccines ang dumating sa bansa na hinati sa mga Lungsod sa NCR, Cebu City, Davao City, at lalawigan ng Quirino.
Naglaan naman ng 4,680 ang DOH bilang buffer stock sakaling magkaroon ng wastage ng bakuna o iba pang hindi inaasahang pangyayari.
Madz Moratillo