Mahigit 9 milyong indibidwal sa bansa, fully vaccinated na kontra Covid-19
Umabot na sa mahigit 9.1 milyong indibiwal sa bansa ang fully vaccinated na kontra Covid-19.
Ayon sa Department of Health, kung pagbabatayan ang datos, napakaliit na porsyento sa mga binakunahan ang nakaranas ng adverse effects o di kaya naman ay nasawi matapos tamaan pa rin ng virus.
Sa datos ng DOH hanggang nitong July 31, sa mga partial, o iyong isang dose pa lang ng bakuna ang naiturok, may 61 ang nasawi.
Sa mga naturukan naman na ng 2 dose ng bakuna pero hindi pa nakakalipas ang 14 na araw, may 2 ang nasawi.
Habang sa mga nakakumpleto na ng 2 dose ng bakuna mahigit 2 linggo na ang nakakalipas, 1 lamang ang nasawi.
Sa mga nakaranas naman ng adverse effects makalipas ang 14 na araw o 2 linggo mula ng sila ay bakunahan, 91 ang naturukan ng Sinovac, 24 ang Astrazeneca, at 1 naman ang sa Pfizer.
Paalala naman ng DOH, hindi nangangahulugan na maraming nakaranas ng adverse effects sa isang brand ng bakuna ay hindi na ito epektibo.
Ang Sinovac vaccine ang brand ng bakuna na pinakamaraming doses ang dumating sa bansa.
Lahat umano ng bakuna na ginagamit sa bansa ay epektibo at makakatulong ng malaki para maiwasan ang pagka-ospital o pagkasawi dahil sa Covid 19.
Madz Moratillo