Mahigpit na health protocols, ipatutupad ng SC sa Oral argument sa mga petisyon vs Anti-Terror law
Istriktong ipatutupad ng Korte Suprema ang health protocols laban sa COVID-19 para sa oral arguments sa mga petisyon kontra sa RA 11479 o Anti- Terrorism law.
Kabilang sa mga precautionary measures na ito ay ang paglalagay ng apat na podiums na mayroong acrylic dividers sa loob ng Session Hall na gagamitin ng mga abogado na magsasalita sa oral arguments.
Walong abogado lamang mula sa panig ng petitioners at respondents ang papayagan sa loob ng Session Hall.
May nakatalagang seating arrangements sa mga ito upang masunod ang tamang physical distancing.
Ang ibang abogado sa parehong partido na naka-standby sakaling paharapin sila sa Session Hall ay mananatili sa tatlong Division Conference Rooms kung saan may TV monitors para masubaybayan nila ang oral arguments.
Bukod sa mga nasabing protocol, kailangan ding makapagprisinta ng negatibong resulta ng COVID RT- PCR test ang mga abogado at media para makapasok sa loob ng Supreme Court.
Mahigpit ding ipitutupad ang pagsusuot ng akmang face mask at face shield.
Hanggang sa lobby lang din ng Supreme Court ang media at hindi papayagan na makapasok sa Session Hall para kumuha ng videos o litrato ‘di gaya sa mga nakaraan bilang pag-iingat pa rin sa COVID-19.
Moira Encina