Mahigpit na implementasyon ng health protocols sa mga pantalan sa bansa ipinag utos kasunod ng tumataas na COVID cases
Upang maiwasan ang lalo pang pagkalat ng COVID 19 sa bansa, ipinag – utos ni Philippine Ports Authority General Manager Jay Santiago ang mahigpit na implementasyon ng health and safety protocols sa kanilang mga opisina at maging sa ibat ibang pantalan sa bansa.
Ang kautusan ay ginawa ni Santiago kasunod ng ginawang surprise inspection nina Transportation Sec. Arthur Tugade at Santiago sa bagong cargo port sa Boracay kung saan ilang port users ang nakitang lumalabag sa health protocols.
Ang iba walang face mask o face shield habang ang iba ay nilalabag ang physical distancing rule.
Kaya naman mahigpit ang bilin sa mga PPA personnel na tiyaking namomonitor kung sumusunod ang mga port users sa minimum health protocol.
Nakasaad pa sa direktiba ng PPA ang mahigpit na pagsunod sa kanilang tinatawag na 7 Commandments sa Public Transport o ang pagsusuot ng face masks at face shields; pagcheck sa body temperature; pagtiyak na may proper ventilation sa mga Passenger Terminal Buildings at opisina nito; madalas na disinfection sa mga PTBs at PPA offices; mdalas na paghuhugas ng kamay at paggamit ng alcohol o sanitizers; pagbabawal sa PPA personnel, passenger, at port users na may sintomas ng COVID-19 symptoms sa mga port, PTBs at PPA offices; at pagsunod sa social distancing.
Mahigpit naman ang bilin ni Tugade sa mga transport personnel na maging seryoso at masunurin sa mga pinaiiral na health protocols.
Umapila rin ito sa mga mananakay na sumunod sa mga pag-iingat kontra COVID- 19.
Madz Moratillo