Mahigpit na seguridad, ipinaiiral sa Batasang Pambansa para sa SONA ni Pangulong Duterte
Naglatag na ng napakahigpit na protocols ang House of Representatives bilang paghahanda sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay House Sergeant-at-Arms Police Major General Mao Aplasca, mahigpit ang pakikipag-ugnayan ng liderato ng Kamara sa pangunguna ni House Speaker Lord Allan Velasco sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at sa Presidential Security Group upang matiyak ang seguridad ng Pangulo at lahat ng dadalo sa okasyon.
Aniya, mas maaga silang nakapaglatag ng contingency plans at nakapagsanay na rin ang lahat para masigurong ligtas ang mga bisita hindi lamang sa panganib kundi maging sa Covid-19.
Bagaman walang banta sa seguridad ng Presidente sa SONA ay nakalatag na rin ang plano at tugon sa anumang panganib ng intelligence unit ng AFP at PNP.
Mahigpit namang ipatutupad sa mga empleyado at sa mga dadalo ang polisiya na “No ID, No Entry” at car passes na inisyu ng Mababang Kapulungan.