Mahilig ka ba sa Sawsawan?
Hindi ba makukumpleto ang iyong pananghalian o anomang meal nang wala kang sawsawan? Parang laging may hinahanap na panlasa ang ating taste bud upang tayo ay ganahang kumain. Parang may kulang kapag walang suka ang tuyo, o suka sa chicharon. Hindi pwedeng walang toyomansi kapag siomai ang kakainin, minsan lalagyan pa ng roasted garlic at chili sauce, ayan happy tummy na naman.
Pero bakit nga ba mahilig ang pinoy sa sawsawan?
Sabi ng mga food historian ang dipping sauce ay ginawa bilang food enhancers at preservative.
Mula noong ancient times, gumagamit na ang mga tao ng condiments. Ang unang condiment ay asin. Ito ay parehong ginagamit bilang preservative at para ma-enhance ang flavor ng pagkain. Kabilang na rito ang suka.
Alam n’yo ba na ang mga Romano ay mahilig sa condiments? Marami silang klase ng sawsawan sa kanilang mga pagkain. Isa sa karaniwan nilang sawsawan ay ang patis na tinatawag nilang “liquamen”.
Bukod dito gumagawa rin sila ng mint sauce. Ang mga Romano ay nag-aalaga rin ng mustard, at ipinakilala nila ito sa ilang bahagi ng Europa na kanilang nasakop.
Sa Pilipinas naman marami rin ang klase ng sawsawan, maraming kumbinasyon, may regional variation, at ang most common ay ang toyomansi o toyo at kalamansi, ang ilan sa atin ay nilalagyan pa ng siling labuyo.
Samantala, karaniwang ginagawa natin ang sawsawan kapag nakahain na ang pagkain at depende sa kung ano ang gustong sawsawan, hindi katulad ng ibang bansa sa Southeast Asian region na inihahanda ito beforehand.
May paalala ang isang nutritionist tungkol sa pagkain ng sawsawan.
Ayon kay si Dr. Bernard Balatbat, isang clinical nutritionist, technically ay depende kung caloric density ang pag-uusapan, wala dapat ipag-aalala tungkol dito. Kadalasan kasi ang mga sawsawan ng pinoy na gaya ng suka, toyo, patis, in a sense, ay pandagdag sa ulam. Bilin ni Doc Bernard ay huwag tayong mahilig o sobra sa maaalat.
Halimbawa kapag nagluto ng pinakbet sapat na ang bagoong isda na pampaalat huwag ng magsawsawan pa ng patis o asin. Dapat ang dami ng sodium intake natin sa katawan kada araw ay less than a gram lamang.. Mas konti pag may health problems.
Tandaan natin sabi ni Doc Bernard na kapag mataas ang sodium o masyadong maalat malamang tumaas ang blood pressure at magka problema sa sakit sa bato o kidney.
Kung nutritional value in terms of micronutrients gaya ng miso mula sa Japan, maganda ito sa katawan, may ingredients ito na fermented enzymes na pwedeng makatulong sa ating kalusugan, maging ang kimchi mula sa Korea, kahit inuulam pa ito ng iba.
Samantala, sa mga nagsasabing kapag kumakain sila ng chicharon ay sinasamahan ng bawang para hindi tumaas ang cholesterol, ang paliwanag ni Doc Bernard, the garlic does not cancel the cholesterol na nasa chicharon nasa sistema na ng ating katawan, banggit niya na hindi niya ipinagbabawal ang pagkain ng chicharon, basta eat in moderation.
Dagdag pa niya in terms of hygiene sa mga dipping sauce naman, mag-ingat kapag isinawsaw mo na ang pagkain automatic hindi na dapat ibabalik para isawsaw ulit. Kaya nga ingat sa mga street food. Bilang panghuli, paalala pa ni Doc … Everything is permissible but not everything is beneficial.