Major farmers unions sa France inihinto na ang kanilang barikada
Inanunsiyo ng dalawang pangunahing unyon ng mga magsasaka sa France ang kanilang desisyon na suspendihin ang mga protesta, at alisin na ang mga barikada sa magkabilang panig ng bansa ilang sandali matapos ilahad ni French Prime Minister Gabriel Attal ang bagong set ng mga hakbangin.
Kabilang dito ang taunang 150 milyong euros para sa livestock farmers at isang pagbabawal sa pag-aangkat ng mga pagkaing ginamitan ng thiacloprid, isang neonicotinoid pesticide na ipinagbabawal na sa France.
Gayunman, sinabi ng pangulo ng mas malaking FNSEA union na ang kanilang mga pagkilos ay hindi pa natatapos at mananatiling aktibo.
Ayon sa pulisya, humigit-kumulang 1,000 traktora ang humarang sa ilang pangunahing daanan noong Huwebes sa Brussels, kung saan nagtitipon ang mga pinuno ng European Union (EU) para sa isang summit kaugnay ng pagbibigay ng tulong sa Ukraine.
Ipinoprotesta ng mga magsasakang Pranses na nagbarikada, ang tungkol sa bayad, buwis at mga regulasyon habang lahat ng mata ay nakatuon sa Brussels sa pag-asang magkakaroon ng mas marami pang EU concessions para sa sektor ng agrikultura.
Samantala, 79 na mga magsasaka na ikinulong noong Miyerkoles matapos pasukin ang Rungis wholesale food market na nasa hilaga ng Paris, na siyang pinakamalaki sa Europe, ang pinalaya na ng mga awtoridad.
Nakipagkita naman si French President Emmanuel Macron kay European Commission chief Ursula von der Leyen, bago ang summit
Ayon sa tanggapan ni Macron, pag-uusapan ng dalawa ang hinaharap ng European farming.
Samantala, sa kabila ng mga bagong hakbang na iprinisinta ni Attal, ilan sa mga magsasakang nagbarikada sa kahabaan ng pangunahing mga lansangan sa paligid ng Paris ang nagsabing mananatili sila kahit man lang isang araw pa o hanggang Biyernes, upang hintayin kung gagawing “black and white” ang commitment ng gobyerno.
Sinabi ni Thierry Desforges, isang miyembro ng farm union sa road blockade na nasa A6 highway sa Chilly-Mazarin, sa timog ng Paris, “We don’t want to hear words of love. What we want is proof of love.”