Major Gen. Acorda itinalaga bilang bagong PNP Chief
Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Major General Benjamin Acorda bilang bagong hepe ng Philippine National Police.
Papalitan ni Acorda si General Rodolfo Azurin Jr., na sumapit sa kaniyang mandatory retirement age ngayong Lunes, Abril 24.
Si Acorda ay isa ring Ilocano at humawak bilang Director for Intelligence ng PNP.
Nagtapos si Acorda sa Philippine Military Academy (PMA) “Sambisig” Class of 1991.
Nagsilbi rin siya bilang Palawan Police Provincial Office chief mula 2014 hanggang 2016 at naging Regional Director fo the Police Regional Office 10 sa Northern Mindanao.
Nakatakda namang magretiro si Acorda sa December 3, 2023 at magsisilbi bilang PNP chief sa loob lamang ng 8 buwan.
Si Acorda ang pang-29 na hepe ng Pambansang Pulisya at pangalawa sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Haharapin ni Acorda ang mga kontrobersya sa alegasyon ng cover-up sa imbestigasyon ng 990 kilo ng shabu sa drug bust sa Tondo noong Oktubre ng nakaraang taon, gayundin ang maramihang courtesy resignation ng mga senior official ng PNP at ang imbestigasyon sa mga karahasan at pagpatay sa mga pulitiko, gaya ng assassination kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Mar Gabriel