Major Rodney Baloyo, mananatili sa Bilibid hanggang 2022 – Senador Gordon
Maaaring magtagal sa New Bilibid Prison ang inaakusahang Ninja Cop na si Major Rodney Baloyo na una nang ipinacontempt ng Senado.
Ayon kay Senador Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, handa nilang ipiit si Baloyo hanggang 2022 kung patuloy na magmamatigas at hindi magsasabi ng katotohanan.
Bagamat may nakuha nang ebidensya at spot report, sinabi ni Gordon na kailangang idetalye ni Baloyo ang ginawa nilang raid sa Mexico, Pampanga noong November 2013.
Taliwas kasi ang mga pahayag nito sa mga report ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Si Baloyo ang team leader ng 13 pulis na nagsagawa ng raid sa Pampanga kung saan nakuha ang mahigit 200 kilo ng shabu.
Samantala, binisita kanina ng kanilang mga kamag-anak ang dalawang opisyal ng Bureau of Corrections na ipinacontempt kahapon ng Senado.
Sina Correctional Senior Inspector Maria Belinda Bansil at Corrections officer 3 Veronica Buño ay nakakulong ngayon sa basement ng Senado at bantay sarado ngayon ng Senate security.
Napikon si Gordon kahapon at ipinacontempt ang dalawa dahil sa pagsisinungaling sa nangyaring bayaran sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) kahit pa may ebidensya laban sa kanila.
Ulat ni Meanne Corvera