Makabago at magaan na pagsasaka, mas pinalakas ang kampanya lalo na sa mga kabataan
Lalo pang pinaiigting ng Philippine Center for Post harvest Development and Mechanization o DA- PHILMECH ang kampanyang Youth for Mechanization o Y4M.
Ayon kay Jett Molech Subaba, Supervising Science Research Specialist, Applied Communication Division ng PHilMech, layon nito na irebrand ang imahe ng agrikultura sa mga kabataan, lalo na sa mga anak ng mga magsasaka, sa pamamagitan ng paggamit ng mga makina mula sa paghahanda ng lupa hanggang sa paggiling.
Paliwanag ni Subaba, ang dating ginagawa ng magsasaka ay maiiba, papalitan na ng four-wheel-drive tractors ang mga kalabaw; ang manumanong pagtatanim ay papalitan ng mga mekanikal na rice transplanter o precision seeder; papalitan ng rice combine harvester ang karit; Papalitan ng mga mekanikal na dryer ang highway drying, at mas magagamit ng mga magsasaka ang mga rice mill.
Sabi ni Subaba, inaasahan niya na ang mga kabataan lalo na aniya ang mga anak ng mga magsasaka ay yayakapin ang agrikultura, at makilahok sa kampanyang Y4M sa mga susunod na taon.
Binigyang diin ni Subaba na ang sektor ng agrikultura ang isa sa mga pinakamahalagang gawain dahil ito ang nagpapakain sa mahigit 110 milyong Pilipino.
Belle Surara