Makati City LGU hinimok na igalang ang desisyon ng Korte Suprema na pumabor sa Taguig City sa BGC dispute
Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Taguig ang kahandaan na makipagkapit-bisig sa Lungsod ng Makati para masiguro ang maayos na transition sa pagitan ng dalawang lungsod.
Kasunod ito ng pinal na desisyon ng Korte Suprema sa territorial land dispute sa pagitan ng dalawang lungsod kung saan pinanigan nito ang Taguig.
Pero nabuhay na naman ang isyu matapos ma sabihin ni Makati CIty Mayor Abby Binay na magkakaroon ng oral arguments ang Korte Suprema.
Itinanggi naman ni Supreme Court Spokesperson Atty. Brian Keith Hosaka na may itinakdang oral argument ang Kataas- taasang Hukuman.
Ang mga residente naman ng Makati at Taguig ay nagkaroon ng iringan sa social media.
Ang mga residente ng Taguig ay pumalag sa ulat na tuloy pa ang laban sa land dispute at iginiit na dapat irespeto ang desisyon ng Korte Suprema.
Iginiit rin ng ilang Taguigenyo na mas maganda ang mga benepisyo sa kanilang lungsod bilang sagot naman sa ilang taga- Makati na mas maganda ang benefits sa kanila.
Noong Abril una nang pinagtibay ng SC ang ruling pabor sa Taguig kung saan binigyang- bigat ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang mga ebidensya at argumento na naiharap ng Taguig.
Madelyn Moratillo