Makati RTC Branch 148, hindi pa rin nagpalabas ng alias Warrant of Arrest laban kay Senador Trillanes
Wala pa ring ipinalabas na alias warrant of arrest at hold departure order ang Makati City RTC Branch 148 laban kay Senador Antonio Trillanes IV kaugnay sa kasong kudeta laban dito.
Sa kautusan na ipinalabas ni Branch 148 Presiding Judge Andres Bartolome Soriano matapos ang pagdinig sa mosyon ng DOJ, inatasan ang kampo ng senador na maghain sa loob ng 10 araw ng rejoinder sa reply ng DOJ sa komento na unang inihain ni Trillanes.
Pinagbigyan naman ng korte ang hiling ng kampo ni Trillanes na makapaghain ng supplemental comment sa loob ng 10 araw kasunod ng pagtanggi ng Supreme Court na magisyu ito ng TRO laban sa Proclamation 572.
Binigyan naman ng limang araw ang DOJ para magsumite ito ng tugon o reply sa karagdagang komento ng senador.
Present sa hearing sina Acting Prosecutor General Richard Fadullon, Senior Assistant State Prosecutors Juan Pedro Navera at Mary Jane Sytat na mga kumatawan sa panig ng DOJ at si Atty Reynaldo Robles na legal counsel ni Trillanes.
Sa pagdinig, inihain ng DOJ ang kanilang reply sa komento ni Trillanes sa mosyon nila na magisyu ang hukuman ng alias warrant at HDO.
Idideklarang submitted for resolution ang mosyon sa oras na maisumite sa korte ng bawat panig ang mga hinihinging komento at tugon.
Ulat ni Moira Encina