Makati RTC Branch 150 dininig ang apela ni Senador Antonio Trillanes laban sa ipinalabas na arrest order at HDO laban sa kanya kaugnay sa kasong rebelyon
Dininig ng Makati City RTC Branch 150 ang inihaing omnibus motion for reconsideration ng kampo ni Senador Antonio Trillanes IV laban sa kautusan na ipaaresto ito kaugnay sa kasong rebelyon.
Sa hearing sa sala ni Branch 150 Judge Elmo Alameda, inihain ng DOJ ang comment/opposition nito sa apela ni Trillanes na isantabi at ibasura ng korte ang desisyon nito noong September 25 at magtakda ng panibagong pagdinig para sa pagtanggap ebidensya.
Iginiit ni Assistant State Prosecutor Josie Christine Dugay na wala nakikitang pangangailangan ang DOJ ng isa pang pagdinig para sa reception ng mga ebidensya.
Binigyan naman ng hukuman ang kampo ni Trillanes ng limang araw para maghain ng reply sa komento at oposisyon ng DOJ.
Mayroon ding limang araw ang DOJ para magsumite ng rejoinder sa ihahaing reply ng senador.
Idideklarang submitted for resolution ang mosyon sa oras na maihain na ang mga kaukulang pleadings.
Nais ng mga abogado ni Trillanes na iharap sa panibagong hearing sa korte ang mga testigo at mga dokumentong magpapatunay na sumunod at nagsumite ang senador ng lahat ng requirement para sa kanyang amnestiya noong 2011.
Matatandaang pinaboran ni Judge Alameda noong September 25 ang mosyon ng DOJ na ipaaresto at pigilang makalabas ng bansa si Trillanes para sa kasong rebelyon.
Ulat ni Moira Encina