Makati RTC branch 150 iginiit na hindi aplikable ang prinsipyo ng double jeopardy sa pagbuhay ng kasong rebelyon laban kay Trillanes
Hindi aplikable ang prinsipyo ng double jeopardy sa pagbuhay ng kasong rebelyon laban kay Senador Antonio Trillanes na nabasura noong September 2011.
Sa resolusyon ni Makati RTC Branch 150 Judge Elmo Alameda, sinabi na ito ay dahil wala pang hatol ng pagabswelto o conviction ang korte sa kasong rebelyon ni Trillanes.
Ayon pa sa korte, ibinasura nito ang kaso laban kay Trillanes dahil sa mosyon nito kaya mayroong consent nito ang dismissal ng kaso.
Isa kasi sa mga rekisito na dapat present para magkaroon ng double jeopardy ay dapat walang consent ng akusado ang pagbasura ng kaso.
Paliwanag pa ng hukuman nang idismiss ang kaso ni Trillanes noong September 7, 2011 ay nakatakda pang maghain ang prosekusyon ng ebidensya laban sa senador.
Pinaboran din ni Alameda ang DOJ sa pagsasabing void o walang bisa ang dismissal order kaya maaring muling buhayin ang kasong rebelyon ni Trillanes na hindi nalalabag ang prinsipyo ng double jeopardy.
Kaugnay nito iginiit ng korte mayroon pa rin itong hurisdiksyon sa kaso.
Pinagtibay din nito ang ligalidad ng Proclamation 572 ni Pangulong Duterte.
Ayon pa sa Makati RTC, nabigo si Trillanes na makapagprisinta ng orihinal o kaya ay duplicate o photocopy ng kanyang amnesty application.
Hindi rin napatunayan ni Trillanes na inamin nito ang pagkakasala at makatugon sa dagdag na requirement noong ng DND na bawiin o irecant ang mga dating pahayag na itinatanggi ang pagkakasala nito.
Ulat ni Moira Encina