Makati RTC ibinasura ang drug case laban kay Kerwin Espinosa at tatlong iba pa
Ibinasura ng Makati City Regional Trial Court Branch 64 ang kasong iligal na droga laban kay Rolan “Kerwin” Espinosa.
Ito ay makaraang paboran ng hukuman ang inihaing demurrer to evidence ng kampo ni Espinosa dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Sa 13- pahinang desisyon ni Judge Gina Bibat- Palamos, kinatigan din nito ang demurrer to evidence ng mga kapwa akusado ni Espinosa na sina Lovely Impal, Wu Tuan Yuan, at Marcelo Adorco o ang Espinosa Group.
Bukod sa insufficiency ng mga ebidensya, sinabi ng hukom na nabigo ang prosekusyon na maglabas o magdadag ng katibayan na magpapatunay na guilty beyond reasonable doubt ang mga akusado.
Sina Espinosa ay nahaharap sa kasong illegal trading o illegal trafficking ng droga sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs law.
Ayon sa hukom, batay sa jurisprudence para mausig ang illegal trading ng drugs ay dapat na mapatunayan na ang akusado ay umakto bilang broker o kaya ay pinagugnay nito ang buyer at seller ng droga gamit ang electronic devices.
Pero, nagbatay lang aniya ang prosekusyon sa sinumpaang salaysay ni Adorco na idineklarang inadmissible dahil wala itong kasamang abogado nang gawin ang kanyang testimonya.
Sinabi pa sa ruling na kahit pa tanggapin ang testimonya ni Adorco ay hindi ito sapat dahil ito ay inconsistent, may mga errors at binawi rin ni Adorco.
Moira Encina