Makulimlim na panahon umiiral sa Hilagang Luzon dahil sa Habagat; Maaliwalas na panahon naman sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa
Habagat o Southwest Monsoon pa rin ang nakakaapekto sa bansa.
Ayon sa PAGASA, dahil sa Habagat, nakararanas ng makulimlim na panahon ang Northern Luzon na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.
Partikular na apaketado ang Batanes, Babuyan Islands at Ilocos Region.
Samantala, ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay maaliwalas na panahon ang mararanasan ngayong Linggo na may pulu-pulong pag-ulang dulot ng localized thunderstorms.
Ang dalawang Tropical Storm naman na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility ay hindi inaasahang magdudulot ng direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa.
Huling namataan ang TS Huaning sa layong 980 kilometers North-Northeast ng Itbayat, Batanes habang ang TS Mirinae naman ay nasa layong 2,235 km Northeast ng extreme Northern Luzon as of 5:00 am bulletin ng PAGASA.
Inaasahang papalo ng hanggang 33 degree celsius ang temperatura sa Metro Manila at hanggang 37 degrees naman sa Tuguegarao, Cagayan.
Pinag-iingat din ang mga maglalayag dahil may nakataas na Gale warning sa mga baybayin ng Batanes, Babuyan at Ilocos provinces dahil sa hanging dala ng Habagat kaya magiging maalon ang mga karagatan.
Wala namang inaasahang sama ng panahon na maaaring pumasok sa PAR sa susunod na 3 araw.