Mala ‘World Class’ na terminal 2 ng Clark International Airport, bubuksan na sa Hulyo
Pinangunahan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade, ang pag-iinspeksyon sa bagong Passenger Terminal Building (PTB) ng Clark International Airport (CRK) sa Pampanga, bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na pagbubukas nito.
Nakatakdang buksan ang bagong airport terminal sa susunod na buwan, taong kasalukuyan para sa domestic operations, at susundan naman ng pagbubukas ng international operations sa Setyembre ngayong taon din.
Tinatayang aabot sa 12.2 milyong pasahero ang kaya nitong maserbisyuhan sa oras na mabuksan ang bagong terminal, triple ng bilang kumpara sa kasalukuyang 4.2 milyong pasahero na naseserbisyuhan nito kada taon.
Malaki ang maitutulong nito sa long term economic growth ng bansa, paglago ng turismo, lalung-lalo na sa pagbibigay trabaho at oportunidad para sa mga Pilipino.
Sa katunayan, mahigit 1,600 na mga manggagawa, ang una nang nabigyan ng oportunidad na maging bahagi ng proyekto at inaasahang madaragdagan pa ito.
Ulat ni Trevor Angeles