Malacañang at ruling party PDP-Laban, hindi papayag na muling magkaroon ng panibagong EDSA para agawin ang poder ng pamahalaan
Umapela ang Malacañang at ruling party PDP-Laban na dapat igalang ng lahat ang boses ng bayan sa pamamagitan ng balota kaugnay ng gaganaping halalan sa Mayo.
Sinabi ni Cabinet Secretary at ruling party PDP-Laban Secretary General Melvin Matibag na hindi papayagan ng Malacañang na muling magkaroon ng panibagong Edsa people power revolution para agawin ang poder ng pamahalaan kapag nanalo si dating Senador Bongbong Marcos at matalo si Vice President Leni Robredo sa halalang pampanguluhan sa Mayo ng taong kasalukuyan.
Sagot ito ng Malacañang sa lumitaw na isyu sa ginanap na press conference ng mga presidentiable na sina Senador Panfilo Lacson, Manila Mayor Isko Moreno at dating National Security Adviser Secretary Norberto Gozales na magkakagulo umano kapag natalo si Robredo sa eleksyon.
Inihayag ni Secretary Matibag kailangang manaig ang gusto ng sambayanan sa paghahalal ng mga bagong mamumuno sa bansa dahil ito ang tunay na diwa ng demokrasya.
Vic Somintac