Malacañang at Senado nagkasundo na sa isyu ng Pork Importation
Nakabuo na ng Compromise Agreement ang Malacañang at Senado sa isyu ng pag-aangkat ng imported na baboy at ipapataw na taripa para dito.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, pumayag ang Malacañang partikukar ang Department of Finance (DOF) na amyendahan ang Executive Order 128.
Sa nabuong kasunduan, ibababa na sa 220,000 metric tons ang aangkating imported na baboy sa halip na 400,000 metric tons.
Nakapaloob rin sa kautusan na nilagdaan ng Pangulo na ibababa sa 5 hanggang 20 percent ang buwis mula sa kasalukuyang 30 hanggang 40 percent.
Pero sinabi ni Sotto na si Finance Secretary Carlos Dominguez na ang mag- aanunsyo kung magkano ang napagkasunduang buwis na dapat ipataw sa mga imported na baboy.
Nauna nang iginiit ng DOF na kailangang umangkat ng baboy para magkaroon ng stable na suplay sa merkado at hindi na maapektuhan ang inflation at interest rate.
Nagkaroon ng kakapusan sa suplay dulot ng epekto ng African Swine Fever.
Meanne Corvera