Malacañang, ayaw nang makisawsaw sa gusot sa Speakership sa Mababang Kapulungan ng Kongreso
Hindi na makikialam ang Malakanyang sa gusot na namamagitan kina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Congressman Lord Alan Velasco kaugnay term sharing agreement sa speakership na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagbroker noong magsimula ang ika-18 kongreso.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque matapos suspendihin ni Speaker Cayetano ang plenary session hanggang November 16, matapos pagtibayin sa second reading ang 2021 proposed national budget na naglakahalaga ng 4.5 trilyong piso.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang Malakanyang sa Kamara dahil sa pagpapatibay sa pambansang budget.
Sinabi ni Roque na ayaw ni Pangulong Rodrigo Duterte ng reenacted budget dahil nakapaloob sa 2021 budget ang pondong gagamitin ng pamahalaan para patuloy na tugunan ang problemang dulot ng pamdemya ng covid 19.
Ayon kay Roque ang isyu sa pagpapalit ng House Speaker ay panloob na usapin sa mga mambabatas na hindi puwedeng panghimasukan ng ehekutibo bilang paggalang sa interdepartment courtesy.
Dahil sa pagsuspendi ni Speaker Cayetano ng plenary session ng Kamara hanggang November 16 ay hindi matutuloy ang napagkasunduan na sa October 14 ay bababa si Cayetano at ihahalal na bagong Speaker si Velasco.
Vic Somintac