Malacañang, ikinatuwa ang resulta ng SWS survey na nagpapakitang bumaba ang bilang ng mga Pilipinong nagugutom
Naniniwala ang Malacañang na ang pagbaba ng bilang nga mga Pilipinong nagugutom ay bunsod ng political will at matibay na pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bansa.
Sa survey ng Social Weather Stations o SWS sa first quarter ng 2019 lumabas na nasa 9.5% nalang ang bilang ng mga Pilipinong nakakaranas ng gutom mula sa 10.5% noong huling quarter ng 2018.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo patunay ang mga datos na ito na epektibo ang mga habkbang ng gobyerno para mapababa ang presyo ng mga pagkain at mapabilis ang paghahatid ng serbisyo sa publiko.
Kinikilala naman ng Malacanang na marami pa ring Pilipino ang naghihirap kaya naman hindi tumitigil si Pangulong Duterte para iangat ang kalidad ng buhay ng mga mamamayan.
Ayon kay Panelo patuloy ang pagpapatupad ng mga pro-poor social programs ng gobyerno gaya ng libreng tuition sa state colleges at universities, libreng irigasyon para sa mga magsasaka, universal health care para sa mga Pilipino, libreng gamot para sa mga mahihirap, at feeding programs sa mga paaraalan.
Inihayag ni Panelo tinaasan rin ang suweldo ng mga pulis, bombero, sundalo, mga guro at dinagdagan rin ang pension ng mga senior citizen at war veterans.
Binigyang-diin ni Panelo marami na ang nagawa ni Pangulong Duterte pero marami pa rin ang aasahan ng mga Pilipino sa kanya sa nalalabing tatlong taon ng kanyang termino.
Ulat ni Vic Somintac