Malacañang ipinauubaya sa Ombudsman ang imbestigasyon kay PCSO Board member Sandra Cam
Walang balak ang Malacañang na sibakin sa pwesto ni Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO board member Sandra Cam kaugnay sa alegasyon ng korapsyon.
Ito’y kasunod ng panawagan ni detained Senator Leila de Lima kay Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin sa pwesto si Cam dahil sa umano’y pagkamal ng higit 500 milyong piso ng kwestiyonableng yaman matapos siyang italaga ng sa PCSO.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo iniimbestigahan na ng Office of the Ombudsan si Cam.
Ayon kay Panelo hindi na mangingialam ang Malacañang at wala ring balak magsagawa ng sariling imbestigasyon laban kay Cam.
Matatandaang kamakailan lang ay nagsumite ng liham ang isang private complainant na si Lino Espinosa Lim Jr. sa Ombudsman para imbestigahan si Cam dahil sa umano’y hindi idineklarang ari-arian sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Net worth o SALN sa taong 2017 at 2018.
Kabilang na dito ay isa umanong beach resort, dalawang lupa sa San Fernando, Masbate at limang lupa sa Matabao Island sa Batuan.
Ulat ni Vic Somintac