Malacañang, Kongreso pinagkokomento ng SC sa kwestyon sa Maharlika Fund
Pinagko-komento ng Korte Suprema ang Malacañang at Kongreso sa petisyon na kumu-kwestyon sa konstitusyonalidad ng Maharlika Investment Fund (MIF) Act of 2023.
Partikular na hinihingan ng paliwanag ng SC sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Finance Secretary Benjamin Diokno, gayundin ang Senado at House of Representatives.
Binigyan ng 10-araw ang mga respondents para magharap ng komento sa petisyon laban sa kauna-unahang sovereign wealth fund ng bansa.
Inaasahan ding magko-komento ang mga respondents sa hiling ng mga petitioners sa Korte Suprema na magbaba ito ng temporary restraining order (TRO) laban sa MIF.
Kinwestyon ng ilang grupo, kabilang si Senate Minority Leader Aquilino “koko” Pimentel, ang constitutionality ng MIF dahil sa tatlong grounds – isa na rito ang kabiguan ng MIF na tugunan ang test of economic viability.
Samantala, handa ang Senado na sagutin ang mga kwestyon sa legalalidad ng Fund law.
Sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na welcome sa kanila ang utos ng Supreme Court na maghain ng komento sa petisyon dahil ito naman ay bahagi ng judicial process.
Inatasan na ni Zubiri ang Senate Secretary na makipag-ugnayan sa Office of the Solicitor General (OSG) kaugnay sa paghahanda at paghahain ng komento.
Igagalang din aniya ng Senado anuman ang kalalabasan o magiging desisyon dito ng kataas-taasanag hukuman.
Nanindigan si Zubiri na sumailalim ang Maharlika Investment Fund law sa tamang proseso ng paggawa ng batas at kumpyansang malalagpasan ng batas ang anumang pagbusisi ng hukuman alinsunod sa itinatakda ng Konstitusyon.
Weng dela Fuente/Meanne Corvera