Malacañang kumpiyansang hindi mauuwi sa re-enacted budget ang pondo para 2019
Spekulasyon lamang na hindi maipapasa ang 3.757 trillion pesos 2019 proposed national budget sa Kongreso bago matapos ang taon.
Ito ang reaksyon ng Malacañang sa posibilidad na mauwi sa reenacted budget ang pondo para sa susunod na taon dahil nabalam ito sa Kongreso.
Matatandaang nito lamang Martes naipasa ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang budget at ayon sa ilang mga senador gipit na sila sa oras sa deliberasyon nito.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo trabaho ng Kongreso na ipasa ang budget at nakikipagusap na aniya ang liason officer ng Malacanang para matiyak na maihahabol ito bago matapos ang taon.
Dumistansya naman ang Malacanang sa pagkumento sa sinabi ni House Majority Leader na may mga very unusual belated requests si Pangulong Rodrigo Duterte sa budget kayat tumagal ang pagpasa sa Kamara.
Ayon kay Panelo persepsyon o pananaw lang ito ni House Majority Leader Rolando Andaya at dapat si Budget Secertary Benjamin Diokno nalang ang tanungin sa isyu.
Naniniwala rin si Panelo na walang pork insertions sa 2019 proposed budget gaya ng sinabi ni Senador Panfilo Lacson Gayunman trabaho aniya ng Kongreso na busisiin ang budget at tutulan ang ano mang hindi pinahihintulutan ng batas.
Ulat ni Vic Somintac