Malacañang, naniniwalang puwede nang talakayin sa Senado ang 2021 Proposed Nat’l Budget matapos aprubahan sa 2nd reading ng Kamara
Walang nakikitang legal na hadlang ang Malakanyang kung tatalakayin narin ng Senado ang 2021 proposed national budget na nagkakahalaga ng 4.5 trilyong piso matapos itong pagtibayin sa ikalawang pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na isa ring propesor ng constitutional law na ang panukalang batas na pumasa sa second reading ay maituturing na good as approved dahil ang third reading ay formality na lamang para i-adopt o pagbotohan ang napagkasunduan second reading.
Ayon kay Roque ,walang batas na nagbabawal sa Senado na talakayin na ang panukalang pambansang pondo na pumasa sa second reading sa Mababang Kapulungan ng Kongreso subalit hindi pa napagtitibay sa third and final reading.
Inihayag ni Roque anomang hindi pagkakasundo sa bersyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado sa 2021 proposed national budget ay pag-uusapan naman sa bicameral conference committee.
Iginiit ni Roque maliwanag ang posisyon at kahilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa dalawang kapulungan ng kongreso na pagtibayin ang 2021 national budget on time sapagkat mahirap na maging reenacted budget ang gagamitin ng pamahalaan dahil sa kinakaharap na pandemya ng covid 19.
Niliwanag ni Roque nakapaloob sa 2021 budget ang pondong gagamitin sa pagtugon sa epekto ng covid 19 pandemic at economic recovery fund kasama ang pagpapalakas sa health system ng bansa.
Vic Somintac