Malacañang, nilinaw na hindi SOGIE kundi Anti-discrimination Bill ang nais ni Pangulong Duterte na sertipikahan as urgent
Nilinaw ngayon ng Malakanyang ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang sesertipakahang urgent ang Sexual Orientation, Gender Identity, and Gender Expression o SOGIE Equality Bill.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Salvador Panelo hindi SOGIE kundi anti-discrimination bill ang nais ng Pangulo na sesertipakahang urgent.
Sinabi ni Panelo ang nais ng Pangulo ay hindi lang para sa isang sektor gaya ng LGBT ang mabibigyan ng proteksyon kundi para sa lahat.
Inihayag ni Panelo kasama sa anti discrimination bill ang mga special children, handicapped, third sex at iba pa na mas maganda aniya gayung mas malawak ang saklaw.
Niliwanag ni Panelo na baka magka-problema pa sa class legislation kung tutumbok lang sa isang grupo gaya ng LGBT ang gagawing pag-protekta sa karapatan ng sinoman.
Iginiit ni Panelo hindi ito dapat ikadismaya ng LGBT ang nais ng Pangulo dahil kasama naman silang mabibigyan ng proteksiyon sa ilalim ng anti-discrimination bill.
Ulat ni Vic Somintac