Malacañang tiniyak na walang sisinuhin sa kontrobersiyal na ghost dialysis treatment scam sa Philhealth
Zero tolerance ang iaaplay ng pamahalaan kontra sa mga personalidad na sangkot sa ghost kidney treatment na pinasisiyasat na ng Malakanyang.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang sasantuhin ang gobyerno sa sumabog na iskandalo na kung saan, posibleng maraming mga dialysis patients ang pinopondohan pa rin ng pamahalaan kahit ang mga ito’y patay na.
Sinabi ni Panelo na malalimang imbestigasyon ang gagawin ng mga otoridad kontra sa mga walang konsensiyang mga indibidwal na pati ang mga patay ay pinagkakakitaan pa sa pamamagitan ng dialysis scam.
Imihayag ni Panelo na sentro ng gagawing pagsisiyasat ang mga nasa loob at labas ng PHILHEALTH at mula duo’y maparusahan ang mga may pananagutan sa sinasabing matagal ng kalakaran ng pandaraya.
Tiniyak ng Malacanang, kasong kriminal ang ipapataw sa mga sangkot sa iregularidad na ngayon ay sinisilip na ng NBI.
Ulat ni Vic Somintac