Malacañang, tiwalang sapat na ang tatlong araw na Special Session para mapagtibay ng mababang kapulungan ng Kongreso ang 2021 Proposed National Budget
Naniniwala ang Malakanyang na sapat na ang tatlong araw na Special Session na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte para mapagtibay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang 2021 proposed national budget na nagkakahalaga ng 4.5 trilyong piso.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, na wala ng hadlang para maantala pa ang pagpapatibay sa National Budget dahil tapos na ang gusot sa speakership issue sa Kamara.
Ayon kay Roque, sa ilalim ng liderato ni Speaker Lord Allan Velasco nananatiling hawak ng admimistrasyon ang super majority sa mababang kapulungan ng Kongreso kaya umaasa si Pangulong Duterte na matatapos ang budget deliberation hanggang October 16 na pagtatapos ng tatlong araw na special session.
Inihayag ni Roque, kung sakaling kulangin naman ng panahon ang senado para pagtibayin ang kanilang bersiyon sa national budget handang magpatawag muli ng special session ang Pangulo para mapirmahan ang pambansang pondo bago matapos ang taong kasalukuyan at maiwasan ang paggamit ng re-enacted budget.
Niliwanag ni Roque, ang 2021 national budget ang kauna-unahang pondo na gagamitin ng pamahalaan kung saan nakapaloob ang budget na gagamitin sa patuloy na pagtugon sa epekto ng pandemya ng covid 19 sa bansa.
Vic Somintac