Malakanyang at AFP naniniwalang nasa Marawi pa si ISIS Emir Abu Sayaff Leader Isnilon Hapilon

Kumpiyansa ang militar na nasa loob pa ng Marawi City si ISIS Emir at Abu Sayaff leader Isnilon Hapilon.

Ito’y sa kabila ng mga kumakalat na balita mula sa mga narescue na sibilyan sa bakbakan na nakalabas na si Hapilon sa Marawi City.

Sinabi ni AFP Spokesman Brigadier General Restituto Padilla sa regular na Mindanao hour sa Malakanyang na hanggat walang nakikitang ebidensiya na nakalabas na ng Marawi si Hapilon ipapalagay pa ring nasa loob pa siya ng lungsod.

Ayon kay Padilla mahirap na magbigay ng kumpirmasyon sa tunay na lagay ni Hapilon dahil ang mga impormasyon ay galing sa hindi kumpirmadong mga balita o sabi-sabi lamang.

Inihayag ni Padilla na importante parin sa tropa ng pamahalaan na makuha si Hapilon buhay o patay.

Kaugnay nito minaliit ng militar ang kakayahan ni Hapilon na makapaglunsad  ng malaking pag-atake tulad ng ginawa niya sa Marawi City.

Niliwanag ni Padilla na ang mahalaga ngayon ay tuluyang mabawi ang Marawi City sa kamay ng mga teroristang Maute group.

Ulat ni: Vic Somintac

 

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *