Malakanyang ayaw manghimasok sa batuhan ng akusasyon nina Senador Panfilo Lacson at dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon
Dumistansiya ang Malakanyang sa batuhan ngayon ng akusasyon nina Senador Panfilo Lacson at dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon kaugnay ng isyu ng kurapsyon at smuggling operations sa Bureau of Customs o BOC.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na dapat beripikahin at idaan sa tamang proseso ng imbestigasyon ang mga paratang ni Faeldon kay Lacson hinggil sa pagkakasangkot sa smuggling ng semento ng anak ng Senador na si Panfilo Pampi Lacson Jr.
Si Faeldon ay bumuwelta kay Lacson na dapat imbestigahan din ang smuggling activities ng kanyang anak na si Pampi.
Nauna rito idiniin ni Senador Lacson si Faeldon sampu ng kanyang mga tauhan na miyembro ng Magdalo group na sila ang nasa likod ng tara o suhulan sa BOC kaya malayang nakakalusot ang mga kontrabando na kinabibilangan ng 6.4 bilyong pisong halaga ng shabu mula sa China.
Kaugnay nito sinabi ni Abella na suportado ni Pangulong Duterte ang anumang isasagawang imbestigasyon sa mga paratang kay Faeldon.
Ang problema sa BOC ay nais paresolba ng Pangulo kay bagong Commissionet Isidro Lapeńa.
Ulat ni: Vic Somintac