Malakanyang binantaan na mahaharap sa kaso sina Ben Tulfo at dating Tourism Secretary Wanda Teo dahil sa pagmamatigas sa umano’y anumalyang kinasasangkutan
Dismayado ang Malakanyang sa pagmamatigas ni Ben Tulfo at dating Tourism Secretary Wanda Teo na isauli ang 60 milyong pisong pondo ng pamahalaan sa advertisement ng Department of Tourism na nasilip ng Commission on Audit na may iregularidad.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi na hayaan na gumulong ang legal process sa kaso ng mga Tulfo.
Batay sa pahayag ni Ben Tulfo, Chief Executive Officer ng Bitag media unlimited, malinis ang kanilang konsensiya sa pagkakakuha ng 60 milyong pisong advertisement ng Tourism Department sa kanyang programa sa PTV- 4 sa panahon ng panunungkulan ng kanyang kapatid na si dating Tourism Secretary Wanda Teo.
Iginiit pa ni Ben Tulfo na ligal ang kontrata sa pagitan ng DOT at Bitag media unlimited kaya mamumuti ang mata ng mga umaasang ibabalik ang 60 milyong pisong advertisement contract.
Ulat ni Vic Somintac