Malakanyang binuweltahan si detained Senator Leila Delima matapos sisihin ang militar sa nangyaring twin blast sa Jolo, Sulu
Kinastigo ng Malakanyang si detained Senator Leila Delima matapos sisihin nito ang intelligence community ng militar sa nangyaring twin blast sa Jolo, Sulu.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na imbes na magpahayag ng suporta sa tropa ng gobyerno na buwis-buhay na lumalaban kontra terorismo ay paninisi ang natatangap ng mga sundalo mula sa senadora.
Iginiit ni Panelo na nabigo man ang mga militar na mapigilan ang mga suicide bomber na nag-disguise bilang parokyano ng simbahan hindi ibig sabihin na kailangan nang ibunton ang lahat ng sisi sa mga ito.
Ayon kay Panelo tila nawawala na sa wisyo si Delima na posibleng epekto ng kanyang pagkakakulong kung kaya’t kung ano-ano na lang ang sinasabi nito na wala namang katuturan.
Kinu-kwestiyon ni de Lima kung saan napupunta ang intelligence fund ng mga militar matapos mabigong pigilan ang pagsabog sa Our Mt. Carmel sa Jolo kung saan marami ang namatay.
Ulat ni Vic Somintac