Malakanyang dumistansiya sa pambu-bully ni Speaker Alvarez sa mga mahistrado ng Korte Suprema na kokontra sa death penalty bill
Ayaw makialam ng Malakanyang sa ginagawang pagbabanta ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa mga mahistrado ng Korte Suprema na kokontra sa Death Penalty Bill na pinagtibay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na isang independent body ang kongreso at hindi makikialam ang ehikutibo sa kanilang trabaho.
Ayon kay Abella ang pagtalakay sa isang panukalang batas ay trabaho ng mga mambabatas.
Ginawa ng Palasyo ang pahayag matapos magbanta si Speaker Alvarez na isusulong niya ang impeachment ng mga mahistrado na kokontra pagbabalik ng batas na magpapataw ng parusang kamatayan sa bansa.
Magugunitang nagbanta ang mga grupong kontra sa death penalty bill na kukuwestiyunin ang legalidad ng pagpapatibay ng kongreso sa panukalang batas sa Korte Suprema.
Ulat ni: Vic Somintac