Malakanyang gagawa ng paraan para mapababa ang inflation rate sa bansa sa gitna ng pandemya ng COVID
Nangako ang Malakanyang na gagawa ang gobyerno ng kaukulang hakbang para mapapapaba ang inflation rate sa bansa sa gitna ng pananalasa ng pandemya ng COVID 19.
Ito ang tiniyak ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque matapos ilabas ng Philippine Statistics Authority o PSA na pumalo sa 4.9 percent ang inflation rate sa bansa sa nakalipas na buwan ng Agusto dahil sa pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo kasama ang mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Roque na pangunahing dahilan ng paglobo ng inflation rate sa bansa ang pagtaas ng presyo ng isda, gulay, karne, bigas, pagkain sa mga restaurant, produktong petrolyo na kinabibilangan ng gasolina, diesel, liquified petroleum gas o LPG, kuryente at upa sa bahay.
Ayon kay Roque, sinisikap ng pamahalaan na madagdagan ang supply ng mga pangunahing bilihin lalo na ang gulay, karne at isda upang maibaba ang presyo sa mga pamilihan.
Inihayag ni Roque gumagawa din ng hakbang ang pamahalaan sa gitna ng pandemya ng COVID 19 na mabuksan na ang mga nagsarang negosyo upang mabuhay ang ekonomiya at dumami ang magkaroon ng trabaho.
Niliwanag ni Roque na unti-unti na maibabangon ang ekonomiya ang katunayan sa report din ng PSA ay bumaba ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa mula sa dating 17.9 percent noong nakaraang taon ay naging 6.9 percent ngayong 3rd qùarter ng taong kasalukuyan.
Vic Somintac