Malakanyang galit na galit sa kumakalat na fake news na isasailalim sa lockdown ang Metro Manila ngayong Holiday season
Nanggagalaiti sa galit si Presidential Spokesman Secretary Harry Roque sa kumalat na balita nitong weekend na isasailalim ng Philippine National Police o PNP sa covert Modified Enhance Community Quarantine o MECQ ang Metro Manila ngayong holiday season dahil sa pagtaas umano ng kaso ng COVID 19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque ang naturang balita ay kagagawan umano ng mga walang magawa kundi nais lamang maghasik ng kalituhan sa publiko.
Ayon kay Roque huwag basta-basta magpapaniwala sa mga kumakalat na balita lalo na ang may kinalaman sa quarantine protocol na ipinatutupad ng pamahalaan ngayong panahon ng pandemya ng COVID- 19.
Inihayag ni Roque ang tanging may karapatan na magrekomenda ng quarantine protocol ay ang Inter Agency Task Force o IATF na pinagtibay ni Pangulong Duterte.
Niliwanag ni Roque nananatili sa General Community Quarantine o GCQ ang Metro Manila hanggang December 31 at magkakaroon ng panibagong announcement ang Pangulo sa Enero ng susunod na taon.
Vic Somintac