Malakanyang, magpapatawag ng special session kung kakapusin ng panahon ang Senado sa pagpapatibay ng 2021 Nat’l Budget
Nagpahayag ng kahandaan ang Malakanyang na magpatawag ng special session sakaling kapusin ng panahon ang Senado sa pagtalakay sa 2021 proposed National Budget na P4.5 trilyon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque sa ngayon ay walang nakikitang ligal na hadlang ang Palasyo para maantala ang deliberasyon ng National Budget sa Committee level ng Senado matapos mapagtibay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kanilang bersyon sa second reading bago sinuspende ni Speaker Alan Peter Cayetano ang kanilang session noong October 6 sa halip na October 14 at itutuloy sa November 16 para sa third at final reading.
Ayon kay Roque, malinaw ang jurisprudence ng Korte Suprema sa kasong Tolentino versus Finance Secretary noong 1994 na ang National Bill tulad ng pambansang budget ay maaaring talakayin na ng Senado sa kanilang bersiyon basta ito ay pormal nang naihain sa Kamara lalo na at pumasa na sa second reading na itinuturing na good as approved dahil ang third reading ay formality na lamang.
Inihayag ni Roque kung sa Nobyembre 16 ay ipapasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa third reading ang National Budget, may sapat pang panahon ang Senado na pagtibayin sa plenaryo ang kanilang bersiyon dahil ang susunod na session break ng dalawang kapulungan ng Kongreso ay sa Disyembre 14 para sa holiday season.
Niliwanag ni Roque kung talagang kakapusin sa panahon ang pagpapatibay sa National budget bago matapos ang taon dahil sasalang pa ito sa Bicameral Conference Committee, magpapatawag ng special session ang Malakanyang dahil ayaw ni Pangulong Rodrigo Duterte ng re-enacted budget sapagkat kailangang tugunan ng pamahalaan ang recovery program sa ekonomiya dulot ng COVID-19 pandemic.
Vic Somintac