Malakanyang, hihintayin ang desisyon ng Supreme Court sa Mandamus petition ni House majority leader Rolando Andaya para sa salary increase ng mga Government employees
Nasa kamay na ng Korte Suprema kung ano ang magiging desisyon sa Mandamus petition ni House majority leader Rolando Andaya Jr. para obligahin si Budget secretary Benjamin Diokno na ibigay ang salary increase ng mga manggagawa ng gobyerno kahit hindi pa napagtitibay ang 2019 National budget.
Sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na dahil sa subjudice doctrine hindi na maglalabas ng komento ang executive department.
Ayon kay Panelo naipaliwanag na ni Secretary Diokno ang dahilan kaya hindi maibibigay ang fourth tranche ng umento sa sahod ng mga nasa gobyerno sa ilalim ng Salary standardization law.
Inihayag ni Panelo na ang pondo para sa fourth tranche ng salary increase ng mga empliado ng gobyerno ay nakapaloob sa 2019 national budget na hanggang ngayon ay nakabinbin sa Kongreso.
Niliwanag ni Panelo na si Pangulong Duterte ay nais talagang dagdagan ang suweldo ng mga manggagawa ng gobyerno maliban sa nakapaloob sa Salary standardization law.
Ulat ni Vic Somintac