Malakanyang, hihintayin muna ang resulta ng NBI investigation sa Dengvaxia controversy
Tumanggi munang magbigay ng anumang kumento ang Malakanyang sa inilabas ni Senate Blue ribbon Chairman Richard Gordon na resulta ng Senate inquiry sa isyu ng Dengvaxia vaccine.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na hihintayin ng Malakanyang ang resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation o NBI.
Ang NBI ang siyang naatasang magsagawa ng case build-up para malaman kung may pananagutan ang mga opisyal ng nakaraang administrasyon sa kontrobersyal na Anti-dengue vaccine.
Una ng inilahad ni Senador Gordon ang findings ng Blue ribbon inquiry na mananagot ng technical malversation sina dating Pangulong Noynoy Aquino, dating Budget secretary Butch Abad, dating Health secretary Janet Garin at iba pang key players sa malawakang Dengvaxia vaccination.
Ulat ni Vic Somintac