Malakanyang, hindi alam kung tatanggapin ng CPP-NPA-NDF ang kundisyon ni Pangulong Duterte para mabuksang muli ang Usapang Pangkapayapaan
Hindi pa matiyak ng Malakanyang kung papayag ang Communist Party of the Philippines- New Peoples Army National Democratic Front o CPP -NPA -NDF sa mga kondisyon na inilatag ni Pangulong Rodrigo Duterte para muling mabuksan ang usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng komunista.
Sa briefing sa Malakanyang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na dadalhin pa lamang ni Government Panel member Hernani Braganza sa liderato ng CPP -NPA-NDF sa The Netherlands ang communication letter mula kay Pangulong Duterte kung saan nakapaloob ang mga kondisyon para muling mabuksan ang usapang pangkapayapaan.
Ayon kay Roque, mayroong tatlong kondisyon ang Pangulo sa CPP-NPA-NDF na kinabibilangan ng pagkakaroon ng permanenting Ceasefire o tigil -putukan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at NPA, ihinto ang pangongolekta ng Revolutionary tax at walang bubuing Coalition government.
Inihayag ni Roque ang mga kondisyong inilatag ng Pangulo ay non-negotiabel taliwas sa pahayag ng liderato ng CPP NPA NDF na walang pre condition kung nais ng gobyerno na muling mabuksan ang Peacetalks.
Niliwanag ni Roque na habang wala pang kasunduan na muling bubuksan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at CPP NPA NDF tuloy ang opensiba ng tropa ng pamahalaan sa NPA dahil patuloy naman ang ginagawa nilang pag-atake mga kasundaluhan.
Idinagdag pa ni Roque na hanggat hindi nagkakaroon ng peace agreement hindi muna aalisin ng gobyerno ang terrorist tag sa CPP NPA NDF.
Magugunitang naglabas si Pangulong Duterte ng Presidential Proclamation number 374 na nagdedeklarang isang teroristang grupo ang CPP NPA NDF at mayroong pang petisyon sa korte para maideklarang terorista ang mga rebeldeng kumunista.
Ulat ni Vic Somintac