Malakanyang, hindi gagawa ng hakbang para linawin sa Korte Suprema ang kapangyarihan ng Office of the President sa suspension order kay over-all Deputy Ombudsman Carandang
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na naninindigan ang Malakanyang na may karapatan ang Office of the President na disiplinahin ang Deputy Ombudsman dahil hindi ito impeachable position.
Ayon kay Roque epektibo na ang 90 days suspension order kay Carandang maliban na lamang kung makakakuha siya ng Temporary Restraining Order o TRO.
Si Carandang ay sinuspinde ng Malakanyang dahil sa kasong grave misconduct at grave dishonesty dahil sa pagpapalabas ng palsipikadong bank statement ni Pangulong Rodorgo Duterte.
Ang dokumento ni Carandang ay ginamit ni Senador Antonio Trillanes IV sa ginawa niyong expose sa umanoy tagong yaman ng Pangulo at ng kanyang pamilya.
Iginigiit ni Carandang na labag sa batas ang pagkakasuspinde sa kanya ng Malakanyang dahil sa desisyon ng Korte Suprema noong 2014 na hindi sakop ng Office of the President ang Ombudsman at Deputy Ombudsman batay sa kasong inihain noon ni Deputy Ombudsman Emilio Gonzales III matapos siyang sibakin ni dating Pangulong Noynoy Aquino kaugnay ng Luneta hostage crisis na ikinamatay ng mga turistang taga Hongkong.
Presidential Spokesperson Harry Roque:
“It’s up to Overall Deputy Ombudsman Carandang. We will implement the order. If he wants to go to court because I understand he’s saying it’s unconstitutional. Let him, but we will not go to court because our reading is the Office of the President has a power to discipline him”.
Ulat ni Vic Somintac
=== end ===