Malakanyang, hindi maglalabas ng official health condition ni Pangulong Duterte kaugnay sa SWS Survey na 66% ng mga Pinoy ang nag-aalala sa kalusugan ng Pangulo
Tiniyak ng Malakanyang na nasa maayos na kalusugan si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na makikita naman ng publiko kung papaano kumilos ang Pangulo sa kanyang mga public engagement.
Ayon kay Panelo, walang itinatagong sekreto ang Pangulo kaugnay ng kalagayan ng kanyang kalusugan.
Inihayag ni Panelo na si Pangulong Duterte ang alam niyang naging Presidente ng bansa na pinaka-transparent maging sa kanyang kalusugan.
Sagot ito ng Malakanyang sa resulta ng Social Weather Stations 2018 o SWS last quarter survey na lumabas na 66 percent ng mga respondents ay nag-aalala sa kalusugan ng Pangulo, 49 percent ang naniniwalang mayroon siyang sakit at 24 percent ang nagpahayag na malusog ang chief executive.
Kaugnay nito tumanggi ang Malakanyang na pagbigyan ang hamon ng mga kritiko ng administrasyon na maglabas ang Malakanyang ng official health condition ng Pangulo.
Niliwanag ni Panelo na ang nasa Saligang Batas isasapubliko lamang ang kalagayang pangkalusugan ng Pangulo kung ito ay mayroon malubhang karamdaman.
Iginiit ni Panelo na nasa maayos na kalusugan ang Pangulo at nagagampanan niya ang kanyang tungkulin para pamunuan ang bansa.
Ulat ni Vic Somintac