Malakanyang, hindi na nasorpresa sa nananatiling mataas na trust at approval rating ni Pangulong Duterte
Inaasahan na ng Malakanyang na mapapanatili ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mataas na approval at trust rating dahil sa mga ginagawang pagbabago sa pamahalaan at pagbinigay serbisyo sa taongbayan.
Ito ang rekasyon ng Malakanyang sa pinakahuling resulta ng Pulse Asia survey na nagsasabing si Pangulong Duterte parin ang pinagkakatiwalaang opisyal ng pamahalaan matapos makakuha ng 85 percent na trust at approval rating.
Sa briefing sa Malakanyang sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nakikita talaga ng publiko ang sinseridad at political will ng Pangulo sa mga ipinatutupad na polisiya o patakaran.
Ayon kay Panelo ang mataas na trust at approval rating ng Pangulo ay nagpapatunay lamang na mali at walang basehan ang mga kritiko na patuloy na bumabanat sa administrasyon lalo na sa isyu ng paglaban sa illegal na droga at pagharap sa problema sa West Philippine sea.
Inihayag ni Panelo dahil sa patuloy na pagtitiwala ng publiko ay mapapanatili ng Pangulo ang kanyang mataas na trust at approval rating hanggang sa matapos ang kanyang termino sa 2022.
Ulat ni Vic Somintac