Malakanyang, hindi pa masabi kung puwede nang ibaba ang Alert Level 4 sa NCR
Isinasailalim pa sa ebalwasyon ng mga eksperto ng Department of Health ang mga data na nakalap sa National Capital Region kaugnay ng kaso ng COVID-19 habang umiiral ang Alert Level 4 with granular lockdown.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na nasa kamay ng DOH ang pagsasagawa ng rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte kung pananatilihin sa Alert Level 4 o ibaba na sa Alert level 3 ang Metro Manila pagpasok ng buwan ng Oktubre.
Ayon kay Roque nasa pangalawang linggo na ang NCR sa ginagawang pilot testing sa Alert Level system with granular lockdown at kung mapatutunayang epektibo ito sa pagkontrol sa pagkalat ng COVID-19 ay ipatutupad na rin ito sa buong bansa.
Batay sa report ng DOH bagamat may bahagya nang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila ay hindi pa ito sapat para masabing puwede ng ibaba ang alert level sa NCR hangga’t hindi natatapos ang dalawang linggong palugit.
Magugunitang noong September 16 isinailalim sa Alert Level 4 with granular lockdown ang Metro Manila at matatapos ito sa September 30.
Vic Somintac