Malakanyang, hindi pa masabi kung saan partido sasali si PRRD sakaling tumakbo bilang VP sa 2022 elections
Hindi pa matukoy ng Malakanyang kung anong partido ang magdadala kay Pangulong Rodrigo Duterte kung tatakbo itong Bise Presidente sa 2022 national elections.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque bagamat may pahayag ang Pangulo na ikinukonsidera niyang tumakbong Vice President sa 2022 elections, hindi pa ito opisyal dahil pinag-iisipan pa ito ng Chief Executive.
Ayon kay Roque hindi pa rin kasi nareresolba ang faction sa ruling party PDP-Laban sa pagitan ng kampo ni Pangulong Duterte at Senador Manny Pacquiao.
Inihayag ni Roque hindi rin niya masagot kung sasama si Pangulong Duterte sa partidong Hugpong ng Pagbabago na itinatag ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sarah Duterte Carpio na kasalukuyang pinapalakas sa pamamagitan ng pakikipag-koalisyon sa ibang malalaking political parties sa bansa.
Niliwanag ni Roque magkakaalaman kung ano ang magiging desisyon ng Pangulo sa pagsapit ng filing ng Certificate of Candidacy sa buwan ng Oktubre.
Vic Somintac